Kamakailan lang ay muli nating naranasan ang hagupit ni Inang Kalikasan sa pamamagitan ng kanyang mga sugo. Sina Sendong, Ondoy at Pedring.
Napakaraming tumulong, napakaraming umunawa at nakiramay sa ating mga kababayang lubos na naapektuhan. Sa totoo lang, napakaraming mukha ng kabayanihan ang lumalabas sa tuwing hinahagupit tayo ng sakuna at mga panganib na dala ng bawat palo ni Inang Kalikasan. Hindi maialis sa aking isipan ang larawan ng isang lalaki na hawak hawak ang isang patay na bata sa kasagsagan ng bagyong Sendong. Kung ating babalikan, nariyan din ang libo libong larawan ng pagkawasak ng mga bahay at buhay sa Central Luzon sa panahon ni Ondoy,sa mga sandaling ito, nakita natin ang tunay na kulay ng bayanihan. Nakita natin ang pinakamagandang larawan ng pagiging Pilipino, ang puso na handang tumulong at bukas palad sa lahat ng nangangailangan. Hindi ko din pwedeng kalimutan ang pagdating ng bagyong si Pedring, nasa ating akala ay isang tahimik at mahinhing hanging habagat na gumulantang lalo't higit sa ikatlong Rehiyon ng Luzon.
Kung ating iisa-isahin ang lahat ng pangyayaring hindi naging maganda ang epekto para sa ating bansa, makikita nating ang lahat ng mga sakunang ito ay dala ng pagdalaw ni Inang Kalikasan. At ano nga ba ang dahilan? saan nga ba ito nag ugat? habang isinusulat ko ang article na ito, hindi ko maiwasang magbalik-tanaw.
Sa loob ng Dalampu't pitong taon kong pagiging tao sa mundong ito, ganon din ako katagal na kinupkop at inalagaan ni Inang Kalikasan, ang lahat ng mga bagay na aking ginagamit at nakagisnan ay galing lahat sa kanya. Ang hangin na malaking sangkap ng aking buhay ay nanggaling din sa kanya, ang lahat ng bagay na may buhay ay nakasalalay sa kanyang pangangalaga. Naitanong ko tuloy, sa kabila ng kanyang pangangalaga at pagmamahal sa akin, nasuklian ko ba sya? Naipakita ko ba sa kanya ang pag galang at pag mamahal sa kalikasang kanyang ibinigay at ipinahiram upang ako ay mabuhay?
Natigib ng kalungkutan ang aking puso, nagkamali din ako, hindi ko masisisi sina Sendong, Ondoy at Pedring kung sinugo sila ng Inang Kalikasan, upang ipaalala sa aking, inabuso ko ang kanyang pangangalaga at pagmamahal..hindi lamang sa akin kundi maging sa buong sangkatauhan..
Sa kasalukuyan, patuloy akong sumasaludo sa lahat ng nakikiramay at mga bayani ng mga sakuna, saludo ako sa mga pusong bukas upang tumulong at dumamay sa mga nasalanta ng bagyo at namatayan ng mga mahal sa buhay. Lubos akong humahanga sa lahat ng mga naging instrumento upang maipahatid ang mga tulong sa mga higit na naapektuhan ng mga nagdaang delubyo.
Ngunit higit sa lahat, dahil sa pagdalaw ng mga sakunang ito, nabuksan ang aking isipan na ang mundo ay hindi lamang sa mga taong may pansariling kapakanan, ang mundo ay hindi kailanman naging pag aari ng mga tao, ang mundo ay hindi natin pag aari upang gawin ang lahat ng kalapastanganan. Marapat nating ibalik ang pag respeto at pagmamahal sa Inang Kalikasan. Sa bandang huli, ang tanging kanlungan ng ating kaligtasan ay wala ring iba kundi ang pagmamahal at pag aalaga ng ating winasak na Inang Kalikasan.Matuto nawa tayo sa masakit na leksyong atin ngayong nararanasan...
No comments:
Post a Comment